About Water Quality…
- Ano ang Philippine National Standards for Drinking Water (PNSDW) 2007?
- Ano nga ba ang chlorine?
- Ano ang mga benepisyo ng paggamit ng chlorine sa pag-disinfect ng tubig?
- Ano ang tamang dami ng chlorine sa tubig?
- Paano masasabing pasado sa microbial quality ang ating inuming tubig (drinking water)?
- Ano nga ba ang fecal coliform, total coliform at heterotrophic plate count?
- Paano maiiwasan ang pagdami ng fecal coliform, total coliform at heterotrophic plate count?
More About Chlorine…
- Bakit amoy at lasang chlorine ang tubig kapag umaga?
- Ano ang magagawa ng mga kunsomidores (consumers) upang hindi gaanong mabahala ukol sa amoy at lasang chlorine ng tubig tuwing umaga?
- Ang chlorine ba ay masama sa kalusugan?
- Totoo bang ang chlorine ay nakaka-kanser?
- Bakit kaya namumuti o nagkukulay-gatas ang tubig namin? Dahil ba ito sa matapang na lebel ng chlorine?
ABOUT WATER QUALITY
ANO ANG PHILIPPINE NATIONAL STANDARDS FOR DRINKING WATER (PNSDW) 2007?
Ito ang batayang ipinapatupad na batas ng pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Health (DOH) na may layuning pangalagaan ang pampublikong kalusugan, kaligtasan at kapakanan sa pamamagitan ng pagseguro sa kalidad ng ating inuming tubig. Isa po ito sa nagsisilbing patnubay sa Tanauan Water District upang makapagbigay ng malinis na tubig at maiwasan ang mga sakit na dulot ng maruming tubig tulad ng diarrhea, hepatitis A at typhoid fever. Kasama po sa batas na ito ang mandatong maglagay ng disinfectant na “Chlorine” sa tubig.
ANO NGA BA ANG CHLORINE?
Ang Chlorine ay isang chemical element (no. 17 sa Periodic Table), subalit ito rin ang karaniwang tawag sa kemikal na kadalasang ginagamit na disinfectant upang malinis ang tubig at maalis ang mga bacteria na nagdudulot ng mga water-borne diseases tulad ng diarrhea, hepatitis A at typhoid fever.
ANO ANG MGA BENEPISYO NG PAGGAMIT NG CHLORINE SA PAG-DISINFECT NG TUBIG?
- Inaalis ang mga bacteria o mga organismong nasa tubig na nagdudulot ng mga sakit tulad ng pagdudumi, pagsusuka at iba pa.
- Inaalis ang mga mineral tulad ng iron na, kapag sobra ang dami ay, maaring makasama sa ating kalusugan.
- Nakakatulong upang masigurong malinis at ligtas na inumin ang ating tubig.
ANO ANG TAMANG DAMI NG CHLORINE SA TUBIG?
Ang dami ng Chlorine sa tubig ay masusukat gamit ang antas ng Chlorine Residual sa tubig. Ayon sa PNSDW, ang tamang Chlorine Residual sa tubig ay mula 0.3 mg/L hanggang 1.5 mg/L upang masabing ligtas ang ating tubig inumin. Bilang pagsunod sa PNSDW, pinananatili ng Tanauan Water District (TWD) ang Chlorine Residual sa sukat na mula 0.3 mg/L hanggang 0.8 mg/L.
Regular na kumukuha ng mga sample ng tubig ang TWD at ipinapadala ang mga ito sa laboratoryo upang mapag-aralan ang katangian ng tubig.
PAANO MASASABING PASADO SA MICROBIAL QUALITY ANG ATING INUMING TUBIG (DRINKING WATER)?
Ayon sa PNSDW, may tatlong (3) aspeto na sinusukat upang makitang malinis ang ating tubig: total coliform, fecal coliform at heterotrophic plate count (HPC).
Ang Total Coliform at Fecal Coliform ay parehong dapat mas mababa sa 1.1 MPN / 100 mL (MPN = Most Probable Number) ang dami, samantalang ang HPC ay dapat mas mababa sa 500 CFU / mL (CFU = Colony Forming Units) ang dami.
ANO NGA BA ANG FECAL COLIFORM, TOTAL COLIFORM AT HETEROTROPHIC PLATE COUNT (HPC)?
- Fecal Coliform
Ito ay uri ng bacteria na nagmumula sa dumi ng hayop at tao, waste water treatment plants, on-site septic system, at agricultural o storm runoff. Ang pagkakaroon nito sa tubig ay maaring maging sanhi ng impeksyon sa tenga, diarrhea, pagdudumi na may kasamang dugo at typhoid fever.
- Total Coliform
Ito ang mga organismong matatagpuan sa lupa at kabilang dito ang bacteria na Escherichia Coli o E.Coli na natatagpuan sa bituka ng mammals tulad ng tao. Ang pagkakaroon nito sa tubig ay maaring maging sanhi ng pananakit ng ulo, pagsusuka, diarrhea, at sa malubhang kaso ay maaring makapagdulot ng impeksyon sa baga, balat, mata, utak, bato at atay.
- Heterotrophic Plate Count (HPC)
Ang HPC ay maaaring palatandaan ng pagdami ng bacteria dahil sa matagal na di pagdaloy ng tubig at kakulangan o kawalan ng residual disinfectant tulad ng chlorine. Ang pagkakaroon nito sa tubig ay walang direktang epekto sa kalusugan ngunit maari pa ring magdulot ng impeksyon sa pag-ihi, paghinga at pagdumi.
PAANO MAIIWASAN ANG PAGDAMI NG FECAL COLIFORM, TOTAL COLIFORM AT HETEROTROPHIC PLATE COUNT (HPC)?
Ito ay maaring maiwasan sa pamamagitan ng paglalagay ng tamang dami ng water disinfectant tulad ng Chlorine o pagpapakulo ng tubig.
MGA MADALAS NA KATANUNGAN HINGGIL SA CHLORINE
BAKIT AMOY AT LASANG CHLORINE ANG TUBIG KAPAG UMAGA?
Kapag patay ang motor ng well na nagsusuplay ng tubig o walang gumagamit ng tubig sa gabi, ang tubig na nasa mga linya o water distribution pipelines ay tumitigil ang pagdaloy. Dahil dito, ang chlorine ay naiipon din sa mga linya ng tubig. Kinaumagahan, ang unang labas ng tubig sa mga gripo ay nangangamoy bleach o chlorine at maaaring may kaakibat na mapait na lasa.
ANO ANG MAGAGAWA NG MGA KUNSOMIDORES (CONSUMERS) UPANG HINDI GAANONG MABAHALA UKOL SA AMOY AT LASANG CHLORINE NG TUBIG TUWING UMAGA?
- Maaaring ipunin muna sa akmang lalagyan ang tubig na unang lumabas sa gripo sa umaga at hayaang mag-settle ang mga particles na nakahalo sa tubig hanggang mawala ang amoy at lasang chlorine.
- Maaari ring hayaan na lamang dumaloy ang tubig sa umaga ng ilang minuto hanggang mawala ang amoy. Upang hindi masayang ang tubig, mas mainam na ito’y ipunin sa akmang lalagyan at gamitin sa paglalaba, paglilinis at iba pang gawaing maliban sa paghahanda ng pagkain at inumin kung sadyang nakakabahala ang amoy at lasang chlorine ng tubig.
ANG CHLORINE BA AY MASAMA SA KALUSUGAN?
Hindi po. Ang chlorine sa tubig na sinusuplay ng TWD ay hindi masama sa kalusugan sapagkat ang dami o lebel nito (na masusukat sa pamamagitan ng batayang Chlorine Residual) ay naaayon sa itinakda ng PNSDW ng Department of Health. Bagkus, ang chlorine sa tubig ay nakakatulong pa nga upang makaiwas sa mga water-borne diseases o mga sakit na nakukuha sa maduming tubig.
TOTOO BANG ANG CHLORINE AY NAKAKA-KANSER?
Hindi ang chlorine, kundi ang Trihalomethanes (THM) na isang kemikal ay pinaniniwalaang maaring maging sanhi ng sakit ng kanser. Ito ay namumuo kapag nag-react ang chlorine sa mga organic materials tulad ng mga natuyong dahon, damo, sanga, o dumi ng tao o hayop. Ito ay nangyayari lamang kung ang pinagkukunan ng tubig ay mula sa surface water gaya ng ilog, dagat o karagatan.
Ang tubig na sinusuplay ng TWD ay mula sa ground water o mula sa ilalim ng lupa. Kahit may chlorine ang tubig, hindi naman ito exposed sa mga organic materials upang magkaroon ng pagkakataon na mag-react upang makabuo ng mga THM.
BAKIT KAYA NAMUMUTI O NAGKUKULAY-GATAS ANG TUBIG NAMIN? DAHIL BA ITO SA MATAPANG NA LEBEL NG CHLORINE?
Hindi matapang ang chlorine kaya namumuti ang tubig. Bagkus, ito ay sanhi ng malakas na pressure ng tubig sa main line. Hayaan lang dumaloy ang tubig at makalipas ang ilang sandali ay mawawala rin ang pamumuti nito.
Sources:
Administrative Order No. 2007-0012 – Philippine National Standards for Drinking Water 2007
http://epa.gov/katrina/fecal.html
http://water.epa.gov/type/rsl/monitoring/vms511.cfm
http://clemson.edu/extension/natural_resources/water/publications/fecal_coliform.html
http://health.ny.gov/environmental/water/drinking/coliform_bacteria.htm
http://doh.wa.gov/Portals/1/Documents/Pubs/331-181.pdf
http://www2.gnb.ca/content/dam/gnb/Departments/h-s/pdf/en/HealthyEnvironments/water/Coliforme.pdf
http://hc-sc.gc.ca/ewh-semt/pubs/water-eau/heterotrophic-heterotrophes/index-eng.php
http://who.int/water_sanitation_health/dwq/HPCFull.pdf